Pinagkakaguluhan ngayon sa social media ang mestisang anak ni Pokwang sa asawa nitong si Lee O’Brian hindi lamang sa maganda nitong mukha at mga nakakatawang ginagawa nito kundi dahil na rin sa kakayanan nitong kumain ng mga pagkain na hindi kinahihiligan ng ibang mga bata. Maliban nga sa mga gulay ay paborito rin nito ang paksiw na isda na siyang madalas ihain ng kanilang kasambahay.


“Pambihira si tisay @malia_obrian hahahaaa kahit yata 3x a day na paksiw pak na pak pa rin sa kanya ang sarap hahahahaa bago nyang paborito ang paksiw na isda!!” masayang pagbabahagi ni Pokwang sa kaniyang Instagram account.


Si Malia O’Brian ay kasalukuyang dalawang taong gulang na at madalas siyang naiiwan sa pangangalaga ng mga kasambahay nina Pokwang lalo na kung abala siya sa kaniyang trabaho sa Showbusiness Industry.


Palagay nga ang loob ng aktres lalo na at nakikita niyang naalagaan ng mabuti ang kaniyang anak at natuturuan pa itong kumain ng masusustansiyang pagkain. Sa katunayan ay kahit ang ampalaya na may itlog ay kinakain rin ni Malia na para bang balewala sa kaniya ang mapait na lasa nito.

“Maaga ako natapos sa presscon for @regasco.ph at nakapagluto ng dinner ni #tisayngmasa @malia_obrian thank God isa na sa paborito nya ang ampalaya with egg…. Yeheeeyyyy very good,” dagdag pa ni Pokwang.

Tuwang-tuwa nga ang mga netizens sa mga ibinabahaging kwento ni Pokwang patungkol sa kaniyang anak na si Malia. Samantala, ang ilan sa kanila ay hindi maiwasang magtanong kung bakit kasabay nitong kumain ang kanilang mga kasambahay at nakaupo pa sa mesa habang gamit ang kamay sa pagkain. Agad naman itong sinagot ng komedyante at nag-iwan ng isang napakahalagang leksiyon para sa lahat.

“Ang table manners madaling matutunan yan lalo na kapag nasa wastong pag iisip na sya, pero ang pakikipagkapwa tao dapat mas maagang tinuturo.”

Lubos naman ang pasasalamat ni Pokwang sa mga kasambahay niya dahil malaking tulong ang mga ito upang maging magana pagkain ng kaniyang anak kahit na anupaman ang ihain nilang pagkain.
“Flex ko lang mga kasambahay ko ha… Wow nakiki flex!! Malaki pasasalamat ko sa kanila lalo na kay yaya Gina kasi sila nakatuang ko sa pagpapakain kay Malia ng mga gulay. Salamat at napapaligiran ako ng mga taong pare pareho kaming naniniwala sa simpleng pagkain at masayang kainan.”


Tunay ngang ang sama-samang pagkain kahit na magkakaiba ang estado niyo sa buhay ay isang magandang halimbawa ng pakikipag-kapwa tao.