Ang unang pagtayo, paghakbang at pagsasalita ng bata ay importante na ituro ng mga magulang sa kanilang mga anak. Ang mga ganitong espesyal na pagkakataon ay tunay na inaabangan ng magulang lalo na kung ang bata ay ang unang anak o apo sa pamilya.

Ganito mismo ang naranasan ni Jennica Garcia Uytingco nitong nakaraan lamang kung saan ang kanyang bunsong anak ay natutunan na tumayo sa unang pagkakataon.
Ibinahagi ng aktres ang “milestone” na ito sa kanyang Instagram account kalakip ang litrato ng anak nitong si Alessi habang nakatayo sa loob ng kuna nito.

Saad nito sa nasabing post, “Ang bilis ng panahon, tumatayo na mag-isa ang aking six months old. Sa susunod magtatakbuhan na sila ni Ate Mori! Looking forward to that season in my children’s life!”.

Labis ang kagalakan ni Jennica sa maayos at patuloy na paglaki ng kanyang mga anak. Subalit isang advice ang ibinahagi ni Jennica sa kaniyang mga kapwa magulang na kung saan pinaalalahanan niya na ang development ng isang bata ay iba-iba.

Maaaring ang ibang bata ay hindi pare-pareho ang paglaki. Ang ibang mga bata ay mas mabagal ang development kaysa sa iba, ngunit hindi ibig sabihin noon ay may mali na sa mga ito na kailangang ikabahala.

Ibinigay na halimbawa ng aktres ang kanyang dalawang anak dahil maging ang mga ito mismo ay hindi pareho ang naging paglaki. Ayon rito, ang panganay nito na si Mori ay hindi pa nakakalakad mag-isa kahit noong ito ay nasa isang taong gulang na at nagsimula lamang ito kumain ng mga solid food noong walong buwan na ito

Ang bunso naman nitong si Alessi ay nakakaupo na mag-isa mula noong limang buwan pa lamang ito at nagsimula na rin itong kumain ng mga solid na pagkain ngayong anim na buwan na ito.

Nais iparating ni Jennica na hindi dapat maalarma ang mga magulang kung hindi kasing-bilis ng iba ang paglaki ng kani-kanilang mga anak dahil wala naman talagang tamang oras na sinusunod ang paglaki.
Bilang mga magulang ay nararapat magsilbing gabay ang mga ito sa mga bata at hindi dapat silang pilitin o madaliin na matutunan ang mga bagay bagay. Tandaan rin na ang layunin ng mga developmental charts ay ang makatulong sa mga magulang para mabigyan ng ideya ang mga ito kung ang kanilang mga anak ay handa na para sa iba pang mga bagay.

Gayunpaman, hindi ibig sabihin ay dapat eksakto mismo sa mga nakalagay na edad dapat mangyari ang mga bagay-bagay.
Kaya naman, kung wala namang mga sintomas at senyales ng kung anong seryosong medikal na kondisyon ay mas maigi na hayaan lamang ang mga bata dahil kalaunan ay maaabot rin ng mga ito ang kanya-kanyang milestones.
Ito ang paalala ni Jennica dahil karamihan sa mga magulang ay naaalarma at minamadali o kinukumpara ang kanilang anak sa ibang mga bata na agad natuto ng mga bagay. Tandaan na ang mga bata ay may kaniya kaniyang development at may iba na nahuhuli sa pagdevelop.
Bigyan ng oras ang mga bata na matutunan ang mga itinuturo, kung sakaling hindi talaga ito nagrerespong sa ating itinuturo, maaaring magpakonsulta sa eksperto upang matukoy kung may delay sa kaniyang paglaki.