Ang pagiging magulang ay isang kaganapan na talagang magpapabago sa buhay ng bawat indibidwal at isa na sa pinakamalaki sa mga pagbabagong iyon ay ang prayoridad. Hindi madaling gampanan ang tungkulin at mga responsibilidad bilang magulang, may katuwang ka man sa buhay o wala, ngunit mas mahirap ito lalo kung mag-isa mong palalakihin ang bata. Ito ang napagtanto ng single mother na si Denise Laurel.

Nang isilang ng aktres na si Denise Laurel ang kanyang unico hijo na si Davian Alejandro Laurel ay nabago ang lahat sa buhay nito.


Ang mga dating nakasanayan nito ay hindi na nito basta-bastang nagagawa dahil inuuna na nitong isipin ang makabubuti para sa anak bago ang kanyang sarili. Hindi nito karamay sa pagpapalaki ng bata ang ama ng kanyang anak at wala rin siya masyadong idinetalye tungkol rito maliban sa ito ay isang Italyano ngunit isa ito sa mga naging struggles ni Denise dahil solo parent siya kay Davian. Doble ang responsibilidad nito dahil kailangan niyang tumayo bilang ama at ina para sakaniya.
Nitong nakaraan ay muling binalikan ni Denise ang pangyayari na talagang naghatid ng takot sa kanyang buhay.

Ayon sa aktres ay nakitaan siya ng cysts sa kanyang iba’t-ibang parte ng katawan. Nadiskubre ito pagkatapos nitong manalo bilang grand champion ng paligsahan sa ABS-CBN na Your Face Sounds Familiar, kaya naman ni hindi nito nagawang ipagdiwang man lang ang kanyang pagkapanalo.
Matapos niyang magpatingin sa Doktor ay tinanong nito kung gaano siya maaaring magtagal sa Singapore. Ayon naman sa mga espesyalista ay hindi naman malala ang mga natagpuang cysts sa kanya, ngunit hindi pa rin nawala ang kanyang pangamba lalo na para sa kanyang anak.

Ang pinakakinatakutan ni Denise ay ang maiwan niya si Davian sa edad nitong napakabata pa. Nag-iisa siyang magulang para rito kaya naman ayaw niyang lumisan sa mundo nang hindi man lang naihahanda ang lahat ng kakailanganin nito upang masiguro na magiging maayos ang lagay nito at na magiging maganda ang kinabukasan ng bata kahit pa siya ay mawala na.


Sa nangyaring iyon ay napagtanto ni Denise na dapat niyang mas bigyan ng halaga ang kanyang kalusugan hindi lang para sa kanyang sarili kundi lalong-lalo na para kay Davian.

Kailangan pa siya nito at hindi pa tamang panahon upang iwanan ang bata, kaya mula noon ay naging mas maingat na ito sa kanyang kalusugan. Nais na lamang rin nitong pagtuunan ang mga positibong bagay at kung paano siya magiging mas mabuting ina sa anak.