Mula sa pagiging probinsiyano at simpleng binata ay hinirang bilang Big Winner ng Kapamilya TV reality show na Pinoy Big Brother: Otso ang noon ay 25-taong gulang na si Yamyam Ugong na binansagan ring “Iskulit Bai ng Bohol”.

Maliban sa hiyawan at paghanga ng publiko ay tumanggap rin si Yamyam ng mga premyo kagaya na lamang ng cash prize na 2 milyon pesos, brand new na condo unit, negosyo package at Asian tour package. Laking pasasalamat ni Yamyam sa biyayang natanggap dahil malaking tulong ito upang sila ay umasenso at magkaroon ng maayos na pamumuhay.

Masasabi ngang sa kasalukuyan ay maganda ang naging takbo ng buhay ni Yamyam at kaya niyang maibigay ang pangangailangan ng kaniyang mga magulang. Ganoon pa man, mas pinili ng mga ito na manirahan sa probinsiya at ipagpatuloy ang pagsasaka na siya nilang kinagisnan at ikinabubuhay noon.

Maliban sa kaniyang mga negosyo at ilang paglabas sa mga TV show ay pinasok na rin nito ang mundo ng vlogging at gumawa ng sariling Youtube channel na ngayon ay mayroon ng aabot sa 79k subscribers.

Isa sa kaniyang mga trending na vlog ay nagpapakita kung papaano sila namumuhay noon sa probinsiya mula sa pagpunta sa kanilang bukid at pag-ani hanggang sa simpleng salu-salo na kanilang inihahanda kung saan kasama nito noon madalas ang kaniyang mga ka-saka sa bukid.

Ayon kay Yamyam, masarap pa rin daw ang buhay sa bukid at kung ikaw ay mayroong sipag at tiyaga ay hindi ka magugutom kung ikaw ay nasa bukid o probinsiya. Maging ang kaniyang Ama na kahit may ka-edaran na ay patuloy pa rin ang pagtatrabaho sa bukid kahit na umangat na ang kanilang buhay ngayon.


“Syempre naaawa ako kay Papa kasi matanda na siya pero nagtatrabaho pa rin sa bukid. Ayaw din nilang papigil kaya hinayaan ko na rin kasi parang ‘yun na rin ang ehersisyo nila.”, pahayag ni Yamyam sa kaniyang vlog.

Sa isang episode ng vlog nito ay ipinakita niya kung paano ang buhay sa bukid at kung ano ano ang kanilang mga tanim na kanilang na-aaani. Una niyang ipinaliwanag kung papaano mag-harvest ng mais at ilan pang proseso bago ito maibenta sa pamilihan. Kasabay nito ay ipinakita rin niya ang isang malawak na lupain na puno ng tanim na mani kung saan umupo ito ay nagkwento ng bahagya sa kaniyang buhay sa bukid.



Sa katunayan, ipinakita pa ni Yamyam gaano kasimple ang pag-harvest ng bunga nito na pwede mo na kaagad kainin kung sakaling magutom ka habang ikaw ay nasa bukid. Maliban dito, bago pa man matapos ang nasabing video ay nagbahagi si Yamyam ng isang leksyon para sa mga nanonood na tumatak sa kanilang mga isipan.



“Kung masipag at madiskarte ka, hindi ka magugutom sa probinsiya.”, ito ang linya na binitawan ni Yamyam sa kaniyang mga tagapanood.



Tunay ngang anong sarap ang manirahan sa lugar na luntian ang paligid at mahalimuyak ang simoy ng hangin. Malayo pa sa ingay ng mga sasakyan at polusyon na dulot ng mga usok kaya naman ganito na lamang rin ang kagustuhan ni Yamyam na balik-balikan ang kanilang simpleng buhay sa probinsiya.